Q. Ako ay isang balo for 3 years already, as of now may nobyo po akong chinese d2. Balak naming umuwi jan sa Pinas para magpakasal, ano po ba ang dapat kong gawin? Makasal kaya kami ate? Paano? (Gina D., via email)
A. Ang pagpapakasal, kahit saan man ganapin, sa Pilipinas man o sa ibang bansa, ay kinikilala at sagrado sa batas natin. Pinapahintulutan ang mga balo na ikasal pang muli. Kung dito ka sa Pilipinas magpapakasal, kakailanganin mo munang kumuha ng Certified True Copy ng Death Certificate ng yumao mong asawa, sa National Statistics Office (check the rates sa website ng NSO – www.census.gov.ph).
Para sa kasal niyo dito sa Pilipinas, you will need to file an application for a marriage license sa Civil Registrar’s Office sa kahit saang munisipyo o city hall. Ang application na ito ay kailangan mong i-file at least one month bago sa araw ng inyong kasal. Ipapa-submit sa iyo ang Death Certificate ng dati mong asawa, ang birth certificate mo (na i-re-request mo rin sa NSO) at ang mga iba pang patunay ng iyong estado. Kailangan din mag-submit ng iyong nobyo ng Certificate of Legal Capacity to Contract Marriage, na dapat issued and duly certified ng kanyang embassy or consular office dito sa Pilipinas.
Kung kayo naman ay ikakasal sa simbahan, may iba pang requirement na hihingin ang simbahan o denominasyon na magkakasal sa inyo.
Ò Ò Ò
Q. Tungkol po sa pangalan ng mother namin, iba po ang naka register sa NSO at iba iyong gingamit nya. Gusto po naming baguhin iyon ngunit ang sabi nila ang gagastusin namin ay abot ng 9,500 pesos para mapalitan iyon. Nagbabakasakali po ako na ako ay inyong matulungan tungkol sa bagay na ito, kung talaga bang ganito kalaki ang dapat bayaran, me paraan po ba na maiwasan ang pagbayad sa ganito kalaking halaga dahil maliit lang naman po ang kita namin, o kaya naman po me pwede po ba kaming lapitan na tao o ahensiya na malalapitan. More Power! (Myrna Guilim, via email)
A. Ang pagkakaiba ng pangalang ginagamit ng mother mo at sa naka-record sa NSO ay maaaring maitama sa ilalim ng “administrative proceeding” (derecho ka sa Local Civil Registry sa munisipyo at hindi mo na kailangan ng abogado para gawin ito), by filing a Petition for Correction under Republic Act 9048 (Clerical Error Law).
Pero you have to know na pwede lang gamitin ang paraan na ito para ituwid ang (1) mga itinatawag na “typographical error” o mga maliliit na pagkakamali sa mga nakalagay sa record gaya ng spelling, (2) pagpalit o pagbago ng katawa-tawa o nakakahiyang first name, o di kaya (3) ituwid ang pag-gamit ng first name dahil iba ang nasa birth certificate niya sa first name na ginagamit o inaakalang tunay na first name magmula sa pagkabata. Kung wala sa tatlong ito ang kaso ng mother mo, kinakailangang ninyong magsampa ng kaso sa korte para mabago at mailinis ang record niya.
Kung ang pagtuwid ng record ay maaaring idaan sa mga opisina ng Civil Registrar, pwedeng mother mo mismo ang mag-file ng petition, o kahit sinong malapit na kaanak na binigyan niya ng authorization para i-file ang petisyon para sa kanya. Dapat i-file ang petition sa munisipyo kung saan unang nakatala ang pagkapanganak ng mother mo.
Sino ba ang sumisingil sa mother mo ng P9,500? Sa halagang isinisingil sa inyo, hindi maliwanag kung ito ang isinisingil ng isang abogado na hahawak ng petisyon sa civil registrar, o kung ito ay singil sa korte. Kailangan niyo lang ng serbisyo ng isang abogado kung ang kaso ng mother mo ay hindi kayang ituwid ng Local Civil Registrar. Ang pagtuwid ng pangalan ng nanay mo ay nakadepende sa konteksto ng sitwasyon niya.
Ayon sa RA 9048, kung ang petisyon ay isinampa sa Local Civil Registrar, P1,000.00 ang singil para sa pagtuwid ng “clerical error” at P3,000.00 sa pagpalit o pagtuwid ng first name. You have to remember na ang mga nasabing halaga ay bukod pa sa gagastusin ninyo para ma-kumpleto ang mga documents na magpapapatunay sa pangalan ng mother mo, tulad ng mga certified true copy ng baptismal certificate, NBI clearance, at iba pang documents. For more information, puntahan ang website ng NSO sa www.census.gov.ph at i-click ang RA 9048 or Clerical Error Law.
No comments:
Post a Comment